Monday, March 15, 2004

Immigrant Stories

Matapos kong basahin ang blog ni Tatang Retong at Gino, bumalik sa aking alaala ang sarili kong karanasan nung ako'y unang tumuntong dito sa bansang Amerika. Halos lahat yata ng aking mga pinsan ay sumundo sa amin sa airport. Sabi ang oras daw ng aming pagbaba ay 5:30 pm. Eksakto nga, 5:30 nag-touchdown ang eroplano namin sa LAX pero 8:00 pm na kami nakalabas! Sobra ang haba at tagal ng pila sa mga bagong immigrants! Paglabas namin ay sumalubong ang aking mga kapatid (ate ko at bunsong kapatid) at pinsan. Niyakap ako ng aking kapatid at pinaiko-ikot. Masayang-masaya kami nuon. Mga ganitong panahon kami dumating. Spring time nuon ngunit para sa 'kin ang pakiramdam ko ay winter pa rin. Naka-medyas pa ako kung matulog palagi, na ikinatatawa nila dahil hindi naman daw talaga ganuon kalamig para mag medyas pa. Payat kasi ako nuon kaya ayun lamigin. Una kaming dinala ng ate ko sa Vons dahil kailangan kaming mamili ng aming kakainin para bukas. Manghang mangha ako sa dami ng prutas at "PX" na nanduon. Wow, naisip ko, nasa amerika na nga ako!

Sabi ng ate ko okay lang daw na wala pa kaming trabaho for 3 months, pero hindi na ako nakatiis. Isang buwan pa lang ay nagtrabaho na ako. Hindi ako pinilit ng aking ate ngunit dahil sanay na rin ang aking katawan sa trabaho sa Pinas, nagkusa na akong maghanap ng trabaho. Madali akong nakakakuha ng trabaho as clerk sa isang billing/collection agency. Madali akong naka-adapt sa environment duon. Sige lang ako sa kaka-ingles. Impressed pa nga sila at paano daw ako natuto ng ingles eh diba nga tagalog ang salita natin sa pinas. Sabi ko, kinder pa lang ingles na ang mode of communication sa mga eskuwelahan sa min.

Akala ko noon okay na maintindihan ko ang ingles nila. Mayroon din pala silang tinatawag na "lingo." Nung minsan ay inutusan ako ng aming boss na i-alphabetize ang mga papeles sa kanyang mesa. Rush yuon kasi gagamitin daw nila sa meeting nila in a few minutes. Ako naman sige lang sa pag-alphabetize. Binabasa kong maige ang mga pangalan at account number ng mga papeles dahil maliliit ang print nung iba. Siguro ay minamasdan ako ng aming boss. Maya-maya nagsimula na ang meeting ay nag-aalphabetize pa rin ako. Sabi ni boss umiiling "Lora, not tomorrow..." Ako naman ay napatingala at sinabi ko..."ha? Oh, I'm sorry I can't work tomorrow." Marahil ay gusto ng humalakhak ng boss ko at ng kanyang mga ka-meeting, dahil nakita ko ang mga pigil nilang ngiti. Nagtaka ako. Nung ako'y nakabalik na sa aking upuan iniisip ko pa rin kung bakit ganuon ang reaksyon nila. Mayamaya na lang na-realize ko ang ibig pala niyang sabihin ng "not tomorrow" ay bilis bilisan ko at hindi bukas ang meeting nila. *LOL* Sampung taon na ang nakalilipas mula ng mangyari yon pero pag naaalala ko siya ay napapatawa pa rin ako.

Anyway, kahit yata gaano na ako katagal dito ay mayroon pa rin akong hindi mauunawaan, hindi lang sa pananalita, ngunit lalo na sa kultura ng mga kano. Ang buhay ko dito ay isang tuloy tuloy na paga-adjust pa rin.