Wednesday, March 03, 2004

Sumalangit Nawa

Napakalungkot naman yata ng linggong ito. Dalawang nakalulunos na balita ang tila bumulaga na lamang sa aking harapan. Ang lalo pang malungkot nito ay ilang araw na ang nakararaan bago ko pa ito nabalitaan. Hindi ko naman mga kamag-anakan ang mga nasasangkot dito sa aking ilalahad sa inyo, ngunit di ko maunawaan kung bakit ganuon na lamang ang aking pagkalungkot.

Una ay ang Pilipinang si Marie Pilar "Pipay" Cruz. Una kong nabasa ang kanyang pangalan ay sa isa sa mga forwarded e-mails sa akin na humihingi ng tulong ang kanyang pinsang si Theresa na ipangalat ang e-mail na may nakakabit na litrato ng dalaga dahil may ilang araw na itong nawawala. Natanggap ko ang email nuong Abril 13, 2003. Taga New York si Pipay, Financial Analyst ng Barclays Capital, 35 anyos lang. Ipinasa ko ang e-mail sa lahat ng kilala ko, pilipino man o hindi, taga New York man o hindi. Pagkaraan ng sampung buwan ay nabanggit sa akin ng aking asawa na nabalitaan nya sa TFC (The Filipino Channel) ng ABS-CBN ang balitang natagpuan na nga si Marie Pilar sa Newark, New Jersey. Ang malungkot nito ay natagpuan sya sa isang maleta sa bahay na ibinenta na pag-aari ng isang hindi lisensyadong doctor.

Nakakatakot na nakalulungkot ang sinapit ng dalagitang ito. Sa tuwing maalala ko ang sinapit nya, nalulungkot ako dahil napakaganda ng pinanggalingan ng taong ito para laman sapitin ang ganito, at hindi pa man din sa kanyang bansa. Isa syang edukadong tao at katatanggap pa nga lang yata niya ng MBA sa Fordham University (ito ay ayon sa unang email na aking natanggap). Ang buhay nga naman ng tao... hindi mo masabi kung hanggang saan, kung hanggang kailan...

Pangalawa sa malungkot na balita ay ang pagpanaw ng aking doctor na si Dr Gregory Dantzler nuong ika-4 ng Pebrero sa gulang na 48. Sa tuwing ako'y pupunta sa aking monthly check-up nuong ako'y nagdadalantao pa lamang sa aking unang anak (at kahit sa pangalawa), ay laging may handang ngiti at marahang pag-tapik sa aking balikat si Dr. Dantlzer. Lagi niyang ikinukuwento sa akin ang kanyang asawa na isa ring doctor ngunit mas pinili ang magsilbi sa Dios bilang isang Pastor, at ang kaisa-isa nilang anak na musician. Lahat sila ay aktibo sa kanilang simbahan. Lahat lamang ng alaala ko kay Dr Dantzler ay maganda. Hindi yata ako nagpunta sa opisina nya na siya ay mainit ang ulo o naging marahas magsalita. Lagi siyang kung baga ay "in good mood" Ang traydor na "heart attack" ang kumitil sa kanyang buhay.

Sabi-sabi nga ng mga matatanda, "ipinapanganak ka pa lamang ay nakaguhit na ang iyong kapalaran". Malungkot, ang dalawang taong ito ay maiksi lamang ang inilagi sa mundo. I hope they lived a good life... and I have a feeling, they did.