Thursday, March 11, 2004

Lay-off

Matagal ng may bulung-bulungan tungkol sa layoff sa aming trabaho. Marami ang kampante at hindi nabagabag dahil wika nila ... "ah hindi nila tayo basta basta matatanggal, mahabang proseso yan, etc, etc." Marami ring nagsasabi na hindi naman eksaktong tatanggalin ka, kundi irere-assign ka lang. Tutoo ang kumakalat na balitang ito. Nagpalabas na nga ng memo ang mga kinauukulan mahigit kumulang isang buwan na ang nakakaraan. Tinanong ang lahat ng mga empleyado tungkol sa kani-kanilang "work history." Kinabahan ako dahil 5 taon lamang ang tutal ng aking serbisyo, ngunit ang mga kasamahan ko ay tila duon na yata ipinanganak! Napapikit ako ng bigyan ako ng kapirasong papel - naka-seal pa at may tatak na "confidential." Dahan-dahan kong binuksan. Buong akala ko ay ako lamang ang nakatanggap... lahat pala kami. Medyo nakahinga ako. Hindi naman pala ito liham na nais kaming tanggalin kundi listahan ng mga petsa ng aming serbisyo. Mahigit na isang buwan ang nakararaan ng matanggap ko iyon. Kahapon nga ay isang ordinaryong araw lamang sa akin... ngunit binago ito ng isang e-mail na natanggap namin sa aming principal accountant. Kalalabas lamang daw niya ng meeting kasama ang aming general manager. Magkakaroon nga daw ng layoff! Binasa ko pa ang mga susunod na linya.... "other departments will have a layoff but ... NOT US!!!!" Whew! Salamat Panginoon!!!!!!! Iyon na yata ang pinakamagandang balitang natanggap ko ng hapon na iyon. Naiba ang aking paningin sa kahalagahan ng aking trabaho. Merong araw na tila hinihila ko ang sarili ko na bumangon at pumasok, pero pag naiisip ko, swerte pa rin ako at may trabaho akong pinapasukan, hindi tulad ng iba na hirap na hirap makahanap ng mapapasukan.

Maswerte pa rin ako dahil sa tatlong departamentong nag-offer sa akin ng trabaho, itong departamento ko ngayon ang aking pinili.... God really moves in mysterious ways.